Sep 2, 2007

Binastos ako ni Willie — Joey

SA kabila ng pagpapakumbaba ni Willie Revillame at aminin ang kanyang pagkakamali sa programang Wowo-wee, hindi pa rin humuhupa sa pagpapatutsada ang kalabang TV host Joey de Leon, ng Eat Bulaga.
Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
Sa Startalk kahapon, nagsalita si Joey at inisa-isa nito ang mga sagot niya sa umano’y unang patutsada ni Willie sa naturang show.

Inamin ni Joey na nabastos siya ni Willie at ito umano ay sinabi pa ng huli sa kanyang show na buong mundo ang coverage.

“Ako naman ay nagre-react lang kapag kinanti ako. Feeling ko ay nabastos ako ni
Willie nang sabihin niyang huwag na raw hintayin na mawala ang respeto nya sa akin. Unang-una ay hindi ko siya binira. Wala akong sinabing madaya siya o nandaya siya. Wala po akong binabanggit na tao,” sabi ni Joey.

“Iyang taong iyan ay may kayabangan. Huwag naman niyang akuin ang hindi kanya,” dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang pag-akong siyang ang pinatutungkulan ni Joey na nandaya.

“Hindi lamang siya ang mandaraya. Maraming magdaraya sa buong mundo. Huwag siyang magyabang,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Joey na hindi umaho siya ang nag-akusa na may dayaang naganap. Ang akusasyon umano ng TV host ay ibinase niya sa mga naglabasan sa dryaryo maging sa pagkakalagay ng portion na iyon sa YouTube.

Pinanindigan din ni Joey ang pagiging mayabang umano ni Willie nang minsang magsama sila sa isang pelikula. Kinuha umano niya ito upang maging sidekick sa pelikula.

“Noon po ay naglalaro kami ng mahjong sa breaktime ng shooting. Kasama po naming doon ang mga beteranong komedyante kasama na si Don Pepot. Nang dumating yang si (Willie), hinarap nito si Don Pepot at sinabing: Ah, ikaw pala si Don Pepot. Alam mo ni minsan hindi ako natawa sa ‘yo,” paglalahad pa ni Joey.

Sinabi ni Joey na hindi na umano nito iginalang ang isang beteranong komedyante kumpara sa kanya na nagsisimula pa lamang noon sa showbiz.

Pinuna din ng TV host comedian ang tipo ng noontime show ng Dos kung saan ay puro mga naggigilingang babae ang kasama ni Willie.

“Ako rin po ay naguguluhan sa kanila. Ano ba ang show nila? Game show ba o night club?” tanong ni Joey.

Nang tanungin ng mga co-hosts ng Startalk kung makikipagbati na ito kay Willie, sinabi ni Joey na hahayaan muna niyang maghilom ang sugat.

“Huwag muna nga-yon. Hindi puwedeng sinaksak ka ngayon tapos bati na kayo agad. Huwag naman tayong magpakaplastik,” ayon pa sa TV host.
People's Taliba

No comments: