Aug 12, 2007

Wendy Valdez relates bad experience in Japan with fellow Pinoys

Binisita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Pinoy Big Brother 2 second runner-up na si Wendy Valdez sa location taping nila ng soap opera na Margarita sa Bailamos Club sa Malate, Manila, kagabi, August 10.
Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
Ayon kay Wendy, paminsan-minsan daw ay naiiyak siya kapag may mga eksenang inaapi siya sa kanyang pinagbibidahang soap opera. Nagpa-flashback daw kasi sa isipan niya ang hirap na dinanas niya sa mga nang-api sa kanya noon sa Japan noong magtrabaho siya roon bilang entertainer.

Ikinuwento ni Wendy na dalawang buwan lang daw ang itinagal niya sa Japan dahil

marami raw ang kapwa Pinoy na nangaaway sa kanya . Hindi raw niya maintindihan kung bakit siya parating pinag-iinitan ng mga kasamahan niya, samantalang pare-pareho lang naman daw silang nandoon para kumita ng pera.

"Noong dumating ako sa Japan, wala nang naging friendly sa akin doon. Magkakasama kami sa iisang kuwarto, pero panay ang parinig ang ginagawa nila sa akin. Na kesyo bakit daw ako nandoon, bakit daw ako pumapapel doon. Natural, nandoon naman ako to work. Kung alam lang nila ang buhay namin sa Navotas, maiintindihan nila. Pero nai-intimidate sila sa akin na hindi ko alam ang dahilan.

"Kaya almost every night, iyak ako nang iyak kasi kinikimkim ko ang sama ng loob na inaabot ko doon. May mga customers nga na naaawa sa akin kasi nakikita nila akong umiiyak. Sinasabi ko na lang na nami-miss ko ang pamilya ko kaya inaabutan nila ako ng tip. Nakaipon naman ako kahit papaano sa two months na stay ko roon," kuwento ni Wendy.

Noong hindi na raw makaya ni Wendy ang pang-aapi sa kanya ng isang kasamahan niya sa Japan, lumaban na raw siya at hindi raw maganda ang kinalabasan.

"Matagal ko kasi hindi nilabas ang galit ko kaya noong sinubukan ulit nila ang pasensiya ko, lumaban na ako. Sinabunutan ko at nginudngod ko ‘yung babaeng matagal nang pinag-iinitan ako. Hindi ko na kasi kaya, e. Sumusobra na sila. Ako pa ang pinalalabas nilang maldita at walang pakisama.

"Kaya noong tanungin ako ng manager kung gusto kong lumipat na lang ng club, sinabi ko na uuwi na lang ako sa Pilipinas. Kesa makasakit pa ako ng ibang tao, uuwi na lang ako."

Kaya nga feel na feel ni Wendy ang mga eksena nila ni Andrea del Rosario na gumaganap na star dancer ng club na mai-insecure sa pagpasok ni Wendy. May confrontation scenes daw sila na nagpapaalala kay Wendy ng mga malulungkot na episode ng buhay niya sa Japan.

"Marami pa akong maikukuwento, pang-Maalaala Mo Kaya nga ang buhay ko," sabi niya. "Pero gusto ko sanang kalimutan ‘yon. Sa nangyayari sa akin ngayon, nagpapasalamat ako sa Diyos kasi natutulungan ko na nang maayos ang pamilya ko. Napagawa ko na ang bahay namin na binabaha tuwing umuulan. Nabayaran ko na ang ibang utang namin."

Pakiusap ni Wendy na sana ay huwag siyang husgahan dahil hindi raw siya isang kriminal o masamang tao. May magandang side daw siya na dapat ma-discover ng marami.

"Gusto ko lang naman ay ang magtrabaho at kilalanin nila ako nang husto. Hindi lang ‘yung Wendy na napanood nila sa PBB 2. Give me a chance to prove na mabuti akong tao."
GMANEWS.TV

No comments: