Angel Locsin's manager press con
Kahapon ay humarap na sa mga manunulat ang kontrobersiyal na manager ng napakakontrobersyal ding batang aktres na si Angel Locsin, ang kararating lang mula sa London na si Becky Aguila, para bigyang-linaw ang kaliwa’t kanang tanong na ipinupukol sa kanila ng kanyang alaga.
Nitong mga nakaraang araw ay sinagot na rin ni Becky ang mga isyung kumakalat dito habang
nasa London sila ng kanyang alaga, pero mukhang hindi sapat ang kanyang mga sinabi, meron pa siyang dapat idagdag.
Kailangan nang magpakadiretso ni Becky, sa pagdating ba dito ni Angel sa susunod na Huwebes ay magiging Kapamilya na ito, hindi na nila puwedeng sabihin na inaayos pa ang mga dokumento dahil gusto nang marinig ng publiko ang totoo.
Kailangan ding linawin ni Becky kung gaano katotoong idinadamay na ng Siete pati ang iba pa niyang mga alaga sa kinasasangkutan nilang hindi pagkakaintindihan ng istasyon, nangangailangan ng diretsong sagot ang mga ganung insinwasyon, alam naming makakayang sagutin ni Becky Aguila ang mga ganung pambubusisi ng mga manunulat.
Humaba na nang humaba ang kuwentong ito, pati mga taong hindi naman dapat madamay ay naisasakripisyo na, ang kontrata pa lang ni Jennylyn Mercado ang nabibigyan ng linaw ngayon pero ang sa iba pa niyang alaga ay malabo pa rin kung ano ang kahihinatnan.
Nagtawagan na sa amin ang mga tagahanga ni Jennylyn, matindi ang sentimyento ng mga ito, ano raw naman ang kinalaman ng batang aktres sa problema ni Angel sa Siete para pati ito ay madamay na?
Sa pagkakaalam namin ay nilinaw na ng isang ehekutibo ng Siete ang senaryo, tuloy pa rin ang kontrata ni Jennylyn sa network, bibigyan pa rin ito ng trabaho at walang katotohanan ang balitang buburahin ang batang aktres dahil lang sa alaga ito ni Becky Aguila.
Sana nga ay ganun ang mangyari, hindi tamang tingnan ang pagpapataw ng parusa kay Pedro sa isang kakulangan ni Juan, hindi dapat pairalin ang pagpepersonalan.
Cristy Fermin
Pilipino Star Ngayon
No comments:
Post a Comment