Jul 11, 2007

Sam Milby, syota ni John Lloyd naaksidente


NASANGKOT sa insidente ng banggaan ang sikat na actor-singer na si Sam Milby makaraang mabangga ng kanyang minamanehong sasakyan ang kasalubong
na Toyota Tamaraw FX kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Nang maganap ang aksidente, kasama ng aktor si Liz Uy, 25, editor ng isang Preview fashion magazine at residente ng 115 Scout Alcara St., Quezon City. Si Uy ay nagtamo ng mga galos sa katawan dahil na rin sa lakas ng pagkakabangga.

Si Uy ay girlfriend naman ng isa pang aktor na si John Lloyd Cruz. Hindi batid kung magkasama sila sa gimikan o nagkasabay lang nang maaksidente.

Batay sa report ni SPO2 Miguel Discalso ng Makati Traffic Management Unit, binabagtas ng Toyota Sequiola na may plakang XSE-635 na minamaneho ni Samuel Lloyd Milby, 23, miyembro ng ASAP ng ABS-CBN Network ang kahabaan ng C-5 Road mula sa The Fort, Taguig dakong alas-5:15 at pagdating sa intersection ng Kalayaan Avenue ay hindi namalayan ang parating na Toyota Tamaraw FX (PWN-729) na minamaneho naman ng isang Rodelio Gonzales, 33, ng 516 M. Diaz St., Pineda, Pasig City.

Kinabig umano ni Milby ang sasakyan subalit nahagip pa rin niya ang kasalubong na FX na naging dahilan ng pagkakaroon ng sira ng dalawang sasakyan at bahagyang pagkakaron ng galos ni Uy.

Pauwi na umano sa kanilang tirahan sa Room 5-A Excelsior Building Eastwood, Quezon City ang aktor, kasabay ang editor ng fashion magazine na si Uy nang maganap ang insidente.

Napag-alaman na nagka-aregluhan din ang magkabilang panig nang magsagawa ng imbestigasyon ang pulisya dahil kapuwa nakaseguro naman ang dalawang sasakyan bagama’t inirekomenda ng pulisya na dalhin sa pagamutan si Uy upang matiyak na walang malubhang pinsalang tinamo sa kanyang katawan.
Edd J. Reyes
People's Taliba

No comments: