Mahirap mag-burn ng bridges — Roderick
ISA si Roderick Paulate sa masusuwerteng artistang nakatatawid sa bakuran ng dalawang higanteng networks, ang ABS-CBN 2 at GMA-7, nang walang ka-proble-problema.
We’re sure maraming matututunan sa kanya ang mga baguhang artista ngayon, na kung manuwag o makatalikod sa mga tao o kumpanyang nagpala sa kanila ay ganu’n na lamang.
Ang sikreto raw ni Roderick ay ang malinaw at diretsang pakikipag-usap sa pamunuan ng parehong istasyon.
Sa ganitong paraan, aniya, naiiwasan ng isang artista ang panununog ng mga tulay at in the process, walang nasasagasaang kahit sino.
Mas mabuti raw na black and white lahat dahil aminin man natin o hindi, maliit lamang ang showbiz and chances are, kayu-kayo pa rin ang magkikita’t magkakasalubong.
Ganito, more or less, ang naging takbo ng interview kay Roderick sa presscon ng bago nilang sitcom ni Aga Muhlach, That’s My Doc, na magpa-pilot sa ABS-CBN sa July 29, dahil na rin sa mainit na isyung kinasasangkutan ni Angel Locsin.
Actually, inamin ng komedyante na wala siyang ideya tungkol sa kontrobersyal na paglipat ng young actress sa Dos, kaya nagpakuwento pa ito sa kaharap na writers.
Maiiba lang daw ang mga binitawan niyang salita, kung halimbawa, ay binastos siya o kaya’y hindi nagustuhan ang pamamaraan ng mga nakatrabaho.
“Hindi rin naman ako anghel ’pag ganu’n,” bawi ni Roderick.
“Pero, alam ba natin ang nangyari between Angel and GMA-7? Hindi natin alam, eh, pero sa tingin ko, mukhang inalagaan naman siya ru’n, ’di ba?”
Sa ganang kanya, minsan na rin siyang nagtampo sa ABS, nu’ng mga panahong matagal siyang nabakante. Nag-freelance siya mula nang matapos ang huling sitcom na tinampukan niya sa Dos, Bora, two years ago.
Sa ABS daw kasi, ang kalakaran, kapag may dalawa kang shows, nagiging exclusive talent ka.
Pero, ang pagtatampo ay natural lang naman daw sa isang pamilya. Unti-unti, naintindihan din niyang lumalaki ang network at nagkakaroon ng mas maraming artista, kaya nag-iiba ang mga nakasanayan na.
Ganunpaman, nang alukin siya ng ilang shows sa GMA-7, ipinagpaalam pa rin niya ito kina Charo Santos-Concio.
Luckily, hindi nagdamot kay Roderick ang mga ito’t sinabing okey lang na tanggapin niya ang mga alok habang wala pang ginagawa sa Dos.
A week after Bora, nagpahinga siya sa Amerika ng tatlong linggo, kung saan gumawa siya ng 10-episode outreach program na Pusong Pinoy sa Amerika sa KTSF Channel 26 sa San Francisco Bay Area.
Nakasama roon ni Dick ang minsang nagsilbing counsel ni Nora Aunor na si Atty. Lou Tancinco.
Pagbalik niya, dumating ang offer ng TAPE, Inc. (producer ng Eat Bulaga) para sa afternoon drama na Makita Ka Lang Muli.
Nagkaroon din siya ng comic stints sa Kapuso shows gaya ng Daboy en Da Girl, Nuts Entertainment at kung anu-ano pa.
Pero sabi nga ni Roderick, parang pamilya lang ’yan. Puwede kang umalis ng bahay, mamasyal, maglibut-libot, pero bandang huli, hahanap-hanapin mo pa rin ang pag-uwi.
At ’yun na nga ang nangyari, dahil ngayo’y balik-ABS siya sa That’s My Doc, kung saan isang retired military man na kapatid ni Precious Lara Quigaman at asar na asar sa bidang si Aga ang papel niya.
For a change, straight guy ang role rito ni Roderick, pero may mga pambaklang dialogue na bibitawan from time to time, gaya ng “chorva” at “chaka.”
“Sa ngayon wala pa itong resemblance sa Oki Doki Doc (ang sitcom na una nilang pinagsamahan ni Aga), pero minsan, ’pag may request siguro, puwede singitan. Bahala na, but as of now, wala pa talaga,” aniya pa.
Ian F. Farinas
People's Tonight
No comments:
Post a Comment