Ate Guy: I'm a superstar but nobody respects me
"Superstar nga ako, wala namang rumerespeto sa akin," may halong hinagpis na salita ni Nora Aunor sa mga dumayong nag-interview sa kanya sa California. Ipinalabas ang panayam bilang special episode sa Nagmamahal, Kapamilya ng ABS-CBN kahapon, August 4.
May kaugnayan ang pahayag ni Nora Aunor sa hindi na niya pag-uwi dito sa Pilipinas. Ilang taon na rin siyang nanirahan sa Amerika. Sinabi ng Superstar na may kinalaman ang gobyerno sa hindi na niya pag-uwi sa atin.
"Ah, hindi naman ganoon [superstar status], pero,
ang ibig kong sabihin, kahit paano nakatulong naman ako, ‘yung mga politiko natin ang ibig kong sabihin, I mean, ‘yung iba. Di ba, kung nakatulong ka sa kanila, kahit paano, bigyan ka naman ng importansiya. Ang ibig kong sabihin, hindi naman lahat ‘yan pera, sana lang, nagpasabi sila.
"Sana nung sandaling nangangailangan ako ng tulong dahil sa maraming problema ko rito, nagparamdam man lang sila na tutulong sila, kaso wala naman, wala lang. Di ba, wala na silang respeto? Superstar nga ako, ‘di naman nila ako iginagalang," may laman pang salita ni Nora Aunor.
Sa kabila naman ng kaunti niyang hinaing, mismong si Ate Guy ang nagsabing at peace na siya sa mundo. Masaya na raw siya ngayon sa buhay niya at wala na siyang inisiip kundi balikan ‘yung kanyang mga gloryang araw ng kasikatan.
"Ako naman kasi, naniniwala ako sa kapangyarihan ng Nasa Itaas. Siya ang nagtatakda ng kung ano ang mangyayari. Kaya sa akin, madalas Niya akong paluin, pero ako lagi ang bumabalik sa dati. Noon, pinalo Niya ako, sabi ko, hindi ko na uulitim, pero inulit ko pa rin ‘yung mga pagkakamali ko, pinalo uli Niya ako. Siguro naman this time, nagtanda na ako."
SUPPORT FROM FANS & FAMILY Sa lahat ng kaligayahan sa buhay niya ngayon, ito ay ipinagpapasalamat niya sa maraming taong walang hangganan ang pagsuporta sa kanya. Na kahit na ano pang pinagdaanan niya, hindi raw siya iniwan ng kanyang mga tagahanga. Hanggang ngayon, hindi nagsasawa ang mga fans niya sa pagsubaybay ng mga pangyayari sa kanyang buhay.
Kasama rin sa sinasabi niyang walang sawang pagsuporta sa kanya ay ang kanyang mga anak na sina Ian, Lotlot, Matet, Kenneth at Kiko.
"Naiintindiahn nila ako, lahat ng mga nangyayaring hindi mabuti sa buhay ko, lagi silang nariyan at ‘di nagsawa sa pagbigay ng suporta at pagdamay."
Kay Guy na rin mismo galing ang pahayag na noong umalis siya sa Pilipinas ilang taon na ang nakaraan, hindi na niya nakuhang magpaalam man lang sa sino man sa mga anak niya.
"Kaya nga ngayon, nakaramdam talaga ako ng tuwa dahil kahit paano, may komunikasyon na kami," sabi niya.
Sa isang show daw niya sa U.S. nitong ilang buwan pa lang ang nakaraan, nakasama niya sina Ian, Kenneth at Kiko.
"Nakatutuwa, marami kaming napag-usapan, marami silang kuwento na matagal kong hindi narinig. At higit sa lahat, naintindihan nila ‘yung pagkukulang ko sa kanila."
NORA'S SPONSORS Isa pang nagbibigay-inspirasyon ngayon kay Nora ay ‘yung tulong at suportang ibinibigay sa kanya ng dalawang kaibigang naninirahan sa California—sina Ernest at Lorna Canumay na malaki ang paghanga sa kanya. Hinimok ng mag-asawa na sa kanilang bahay na tumira si Nora. Nagpaunlak si Nora at sa kasalukuyan, doon nga siya naninirahan.
"Gusto namin siyang tulungang makabalik sa dati niyang estado. Para sa amin, malaking bagay na ‘yun kung maibabalik namin siya sa dati niyang marangyang pamumuhay. Hanggang kaya namin, tutulong kami," sabi ng mag-asawang Canumay.
Mapapasakanya rin daw ang malaking bahay na tinitirhan ni Nora Aunor sa California, ayon kay Ernest. "Basta pahalagahan niya, pagsikapan niya, magiging kanya na ang bahay namin.
GMANEWS.TV
No comments:
Post a Comment