Pinoy Big Brother: Dahil kay Wendy, Bruce pinagmukhang tanga ang dating girlfriend!
SHOWBIZ MISMO! Ni Cristy Fermin
Kung puso lang ang ating paiiralin ay nakakaawa na si Wendy Valdez, matitinding kumprontasyon ng buhay na ang kanyang natitikman ngayon, ang salubungin ka ng malalakas na boo ng publiko ay nakapanliliit na.
Hindi lang naman minsang nangyari yun, nung Sabado nang gabi sa Araneta Coliseum, banggit lang ng kanyang pangalan ay isang mitsa na para sumigaw ang manonood.
Talagang lantarang pagkontra sa kanya ang ipinakita ng ating mga kababayan, nung gabing yun niya inani ang prutas ng pagiging pasaway niya sa loob ng Pinoy Big Brother house, mali ang inakala ni Wendy na ang buhay niya ay nagsisimula at natatapos lang sa apat na sulok ng Bahay ni Kuya.
Ang akala siguro niya ay hindi siya magkakaroon ng pagkakataong makakahalubilo ang publikong gusto nang magbitin sa kanya nang patiwarik, gigil na gigil sa kanya ang manonood, idagdag pa ang pagkabuwisit sa kanya ng mga tagasuporta ng ibang housemates na dapat ay nasa loob pa pero siya ang mas pinaborang maiwan dun.
Ang ugali ay ugali talaga, sa mga panahon ng gipitan ay mas lumulutang ang ating naturalesa. Nung iluwa na ng entablado ng Araneta Coliseum si Wendy ay malalakas na pambu-boo ang sumalubong sa kanya, kung may butas lang ang entablado, siguro’y mas nanaisin na ni Wendy na lumubog na lang siya dun.
Pero sa halip na maunawaan ng publiko ang bahagya niyang pagyuko sa panghihingi ng dispensa ay hindi pa rin siya nakalusot, komento ng aming kaibigang nandun mismo sa Big Dome, “Saan ka naman makakakita ng taong nanghihingi ng dispensa, pero may kaangasan pa rin?”
Isang bagay na hindi natutunan ni Wendy mula sa pagkabata hanggang sa kanyang paglaki at ang tamang pakikipagkomunikasyon sa kanyang kapwa.
Hindi krimen ang kahirapan, may kapantay na karapatan at kalayaan ding mabuhay nang may dignidad ang mahirap tulad ng mayaman, pero ang breeding ay hindi nabibili.
* * *
Dati’y marami kaming kaibigang babae at lalaki na may matinding atraksyon kay Bruce Quebral, nagugwapuhan at namamachuhan sila sa binata, ibinoto pa nga nila si Bruce nung kailangang-kailangan niya ng suporta sa loob ng Bahay ni Kuya.
Pero mula nung madikit na ang pangalan ni Bruce kay Wendy ay ayaw na nila sa binata, nung nagkakamabutihan na sila ni Wendy, nalipat na kay Mickey Perz ang interes ng aming mga kaibigan.
Parang may kaalatan si Wendy, sinumang madikit sa kanya ay inaayawan din ng publiko, kaya pati si Bruce ay umaani ng mga batikos ngayon nang dahil sa dalaga.
Pero maganda ang kanilang relasyon, lantaran nang sinasabi ngayon nina Bruce at Wendy na mahal nila ang isa’t isa, kaya lang ay meron pa raw munang kailangang asikasuhin ang dalaga sa aspetong personal ng kanyang buhay.
Pabayaan na nating bukod sa kanyang pamilya ay meron namang nakakaunawa kay Wendy, karapatan ni Bruce na ipagtanggol ang dalaga, hindi nga naman natin nakasama nang mahigit na tatlong buwan si Wendy sa loob ng PBB house para husgahan natin ito nang paganun na lang.
Nakilala ni Bruce ang tunay na pagkatao ni Wendy sa loob nang mahabang panahon, siya ang nakakaalam kung bakit nagkakaganun si Wendy, meron daw pinag-uugatan yun ayon sa binata.
May katwiran naman si Bruce, ipinaglalaban niya ngayon si Wendy dahil kilalang-kilala na raw niya ang buong pagkatao nito, ang hindi na lang diretsong nasasagot pa ngayon ni Bruce ay kung bakit pinagsabay niya si Wendy at ang babaeng iniwan niya sa labas nung magdesisyon siyang pumasok na sa bahay ni Kuya.
Huwag ibaling ni Bruce Quebral ang isyu, bago niya idepensa si Wendy ay linawin niya muna ang tanong ng bayan, kung bakit niya ginawang tanga ang kanyang girlfriend habang nagkakamabutihan sila ni Wendy sa PBB house, yun ang tunay na isyu sa kanya.
Source
No comments:
Post a Comment