Diet: Hindi ako bad influence kay Kristine
Sa presscon ng Margarita, bagong teleserye ng ABS-CBN na pagbibidahan ng Pinoy Big Brother 2 third big winner na si Wendy Valdez, finally ay umamin na si Diether Ocampo na may dumating na ngang resolusyon ang Regional Trial Court hinggil sa petisyon nilang mapa-annul ang kasal nila ni Kristine Hermosa.
Pero ayaw nang sabihin pa ni Diet ang mga detalye — kung kelan dumating,
saang RTC, etc. — dahil masyado raw sensitibo ang bagay na ito at hayaan na lang ang korteng magdesisyon, tutal ay hindi pa raw tapos ang kaso.
Sa kasalukuyan kasi, inapela ng solicitor general (na ayaw din niyang sabihin kung sino) ang kaso sa Court of Appeals at pagkatapos nito ay may Supreme Court pa kung sakali.
“So, hanggang hindi ang Supreme Court ang magde-decide, hindi pa rin tapos,” aniya.
Bakit naman kailangang i-apela ng solicitor general?
“Trabaho niya ’yon. Trabaho ng solicitor general na panatilihing sagrado ang kasal. Na kahit ano ang mangyari, hindi niya puwedeng ipawalang-bisa ’yon. Ngayon ko lang nga nalaman na ganu’n pala ’yon.”
Kung noong una ay sinasabi niyang wala siyang natatanggap na notification ng desisyon, inamin ni Diet na nakatanggap nga siya mula sa RTC.
“Kung hindi sana inapela ng solicitor general, tapos na ’yung kaso. Eh, inapela niya.”
Mixed reaction ang nararamdaman niya sa nangyayari sa kaso.
“Ako, siyempre, kung ako ang tatanungin n’yo, kasi, pareho naming napagdesisyunan na iayos lahat ng pagkakamali. Pero para sa akin, papel lang ’yon, eh.
“Ang importante sa akin, ’yung nilalaman ng puso ko, hindi mo naman puwedeng baguhin ’yon, eh.”
Maayos naman daw ang relasyon nila ni Kristine at walang pagbabago sa kanilang pagmamahalan. In fact, sa sobrang pagmamahal niya sa aktres, kahit saan siya lumingon ay mukha nito ang nakikita niya.
Inamin niyang hindi sila nakadalaw sa mother ni Kristine sa hospital nang maoperahan ito kamakailan dahil hindi kinaya ng busy schedule, pero ani Diet, nagpadala sila ng fruits.
Hindi raw totoong siya ang bad influence kay Tin, gayundin ang akusasyong siya ang nagdedesisyon para sa asawa.
“Gusto ko ngang linawin ’yon dahil hindi nga totoo. Hindi ko kontralado ang buhay ni Tin at hindi ko gagawin na kontrolin siya dahil ang gusto ko nga ay magkaroon kami ng sariling desisyon sa mga bagay-bagay.
“Kapag tinatanong ako, du’n lang ako magbibigay ng aking payo. At nasa kanya kung susundin niya,” ani Diet.
Sa kanyang career, natutuwa naman ang aktor na may kapalit agad na proyekto ang Rounin na, incidentally, ay magtatapos ngayong gabi.
Sa Margarita, ginagampanan ni Diet ang papel na Bernard, karibal niya si Bruce Quebral sa pagmamahal ni Margarita (Wendy).
Mula sa direksyon nina Erick Salud, Trina Dayrit and FM Reyes, kasama rin sa cast sina Elizabeth Oropesa, Rio Locsin, Joseph Bitangcol, Keanna Reeves at marami pang iba.
The said soap will have its pilot telecast on Monday, July 30, sa ABS-CBN Primetime Bida.
Vinia Vivar
People's Tonight
No comments:
Post a Comment