Angelica realizes dream to co-star with Aga
Binigyan ng solo presscon ng Star Cinema si Angelica Panganiban bilang one of the featured stars ng A Love Story, kung saan tampok din sina Maricel Soriano at Aga Muhlach.
Kagagaling lang ng young actress sa Macau kung saan kinunan ang eksena nila ni Aga para sa pelikula. Sa istorya kasi ay sa Macau sila nagkita ng character na ginagampanan ng premyadong aktor.
Matagal nang pangarap ni Angelica na makatrabaho si Aga kaya
dream come true para sa kanya ang pagsasama nila sa A Love Story.
Daring si Angelica sa movie at may love scenes siya with Aga. Nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung ilan ang kissing scenes niya sa aktor, sinabi nito na sa lahat daw ng eksena nila ni Aga ay may kissing scene sila.
How was it like working with Aga?
"Magaan po at masaya," sagot ni Angelica. "Magaan ang takbo ng lahat saka masaya lang po kahit na gaano kabigat ang ginagawa namin. Kayang-kaya niyang dalhin saka mararamdaman mo talaga ang presence niya."
Hindi ba siya na-pressure or na-intimidate, considering kasama rin sa cast ng movie na idinirek ni Maryo J. delos Reyes si Maricel Soriano?
"Siyempre, may ganoon, lalo na noong first three shooting days ko. Hindi nila ako makausap sa set. Ngayon kasi, kaya ko nang makipagkuwentuhan sa kanila over lunch or kapag nagdi-dinner. Sa umpisa, hindi pa ako ganoon ka-at ease sa kanila, sa mga kasama ko. Wala rin kasi akong ka-age doon sa set. Wala talaga akong makausap, pero di mo alam, na bata pala sila, mga young at heart," sabi pa ni Angelica who is turning 21 on November 4.
DREAM LEADING MAN. Pag tinatanong daw siya before kung sino ang gusto niyang maging leading man, ang laging sagot ni Angelica ay si Aga Muhlach. Kaya noong unang sabihin sa kanya na makakasama niya si Aga sa pelikula, ang akala raw niya ay joke ito.
It was two years ago nang sinabi sa kanya ng Star Cinema na she's going to do a movie with Aga, pero hindi raw siya naniwala. Tapos paulit-ulit niyang naririnig na gagawa nga siya ng movie kasama ang aktor, pero wala pang confirmation that time.
"Kahit na noong nag-story conference na kami, hindi pa rin ako makapaniwala. Naniwala na lang ako nung nagsu-shooting na kami," sabi ng young actress.
Pagdating sa love scenes niya with Aga, feeling ni Angelica ay mas daring daw ito kumpara sa love scenes nila ni Jericho Rosales sa Santa Santita, kung saan unang naging daring ang former child actress sa kanyang pagganap.
MAMA MARY. Reunion movie din ni Angelica kay Maricel ang pelikulang ito. Kumpara kay Aga na ngayon lang niya nakatrabaho, ilan beses nang nakasama ni Angelica ang Diamond Star sa pelikula: Separada; Ama, Ina, Anak; at Mila. Nagkasama na rin sila sa TV series na Vietnam Rose.
Kapag si Maricel daw ang katrabaho niya, lagi raw siyang grateful.
"Ganoon talaga ang nararamdaman ko kasi naging maganda talaga ang samahan namin ni Mama [tawag niya kay Maricel]. Marami rin siyang advices sa akin. Kasi si Mama, on and off button ‘yan, e. Puwede mo siyang maging nanay. Kukuwentuhan mo siya ng mga ganitong issues mo. As a daughter, kapag nag-aaway kami ng mother ko, humihingi ako ng advice sa kanya. Kung ano ba ang gagawin ko, sa ano ba ako magso-sorry. Sasabihin naman niya 'Huwag ganoon anak.' Pinapayuhan niya ako.
"Pati sa lovelife ko, kinukonsulta ko rin siya kasi kailangan kukuwentuhan mo siya. Ano na ang nangyari? Parang humihingi siya ng update sa iyo. Minsan nga, kinikilig pa siya pag nagkuwento ka sa kanya. Parang second mom ko siya."
THE OTHER ANGEL. Samantala, hindi naman daw threatened si Angelica sa napipintong paglipat ni Angel Locsin sa ABS-CBN. Recently lang daw niya nabalitaan ito. Wala naman daw siyang reaction sa isyu. Hindi pa raw nagsi-sink sa kanya dahil nakakagulat din daw kung mangyari na.
"Masyado siyang identified sa kabila [GMA-7]. Nasa stage pa rin ako na nagtatanong kung totoo ba iyon," sabi ni Angelica.
Inamin din ni Angelica na there was a time na may offer ang GMA-7 sa kanya na lumipat sa kanila. That time ay medyo hindi maganda ang takbo ng career niya sa ABS-CBN kaya parang pinag-isipan din niya ang paglipat.
When she learned about the offer, kinonsulta ni Angelica ang mga bosses niya sa network. Pero hindi raw siya pinayagan. Happy naman daw siya sa mga projects na ibinibigay sa kanya ng ABS-CBN.
"Kung hindi sila [ABS-CBN] pumayag na pakawalan ako, ibig sabihin may plano talaga sila para sa akin," sabi ni Angelica tungkol dito which happened some four years ago.
UNFORGETTABLE. She was six years old nang magsimula siya sa showbiz. Naka-fourteen years na siya sa business. Ang unang movie ni Angelica ay ang Antipolo Massacre kung saan gumanap siyang anak nina Liezl Martinez at Cesar Montano. Tapos naging anak din siya ni Vilma Santos sa The Lipa Massacre. Lumabas din siya sa Sarah, Ang Munting Prinsesa, kung saan bida ang kaibigan niyang si Camille Prats, na nasa GMA-7 na ngayon.
Sa mga naging leading man ni Angelica, sino ang pinaka-unforgettable para sa kanya?
"Siguro si Aga," mabilis niyang tugon. "Siyempre, dream ko ‘yon. Parang ang tagal ko na siyang napapanood dati, tapos ngayon leading man ko na siya. Kasi pag sinabi mong Aga, tapos ikaw ang ipinareha sa kanya, parang sinabi nila na 'O, star ka na.'"
Kaya naman flattered si Angelica sa break na ibinigay sa kanya ng Star Cinema to work with Aga. Hindi pa siya ipinapanganak, nagbibida na si Aga sa pelikula. Sa mga movies na ginawa ng aktor, favorite daw ni Angelica ang May Minamahal at Kailangan Kita.
No comments:
Post a Comment